Posted by: Patty | April 28, 2007

Bakit Kaya Ako Pinoy?

Usong uso noong bata ako ang palabas na Baywatch. Sa tuwing i-eere na ang palabas, nagtitipon tipon na ang pamilya sa harap ng telebisyon at masayang manonood sa mga mestisong banyaga na kadalasa’y makikitang tumatakbo sa harap ng beach suot-suot ang kanilang pulang swimsuit habang tangan tangan ang pulang life support na noong bata ako ay akala ko flat na lobo lamang. Matatangkad sila, ang ilong ay parang perpektong hinubog base sa laki ng muka at ang katawan ay tila ba nagsasabing bawal ang tumaba sa mundo. Nakapagtataka ding ang kulay nila, habang nakabilad buong araw sa katirikan ng araw ay mamula mula lang at magandang tignan. May mga guest pa nga sila (hindi mainstay sa palabas kaya hindi madalas magshoot sa beach) na mapuputi at mukang kahit ibilad mo sa gitna ng mausok na EDSA buong araw ay fresh na fresh pa din ang dating na parang bagong ligo. Nililigtas nila ang mga nalulunod, parang ang gagaling lumangoy. Matitikas. Matatapang. Ang taas ng tingin ko.    

Pagka commercial ang Baywatch, ililipat namin ang channel sa ibang palabas. Minsan natyatyamba sa mga comedy shows natin kung saan ang mga pinoy na cast ay nagiikot ng dyaryong hawak at sabay ipupukpok sa kasamahang artistang kadalasa’y kalbo habang nagtatawanan ang iba pang kasali sa eksena, tila nanloloko at nang-uudyok. Katamtamman lang ang bulto ng katawan ng mga artista. Mapapayat ang iba. May mga ilong na ayos lang, may mga ilong na maliliit at may mga ilong na mayroon pang pulang tigyawat na nakatubo sa gitna. Ang mga buhok ay unat, maitim. Wala lang. 

Bakit kaya ang mga magulang ko ay Pilipino? Gusto ko atang maging Amerikano.

  Madalas kong naikukumpara ang pinoy sa mga mestisong banyaga. Sa itsura, kilos, pananalita, pagdadamit at ugali. Tuwing nakakasalubong ako ng Amerikano at nagkakatinginan kami, aba at biglang sasambit ng “hello” o kaya’y “good morning!” kahit di nya ko kakilala. Samantalang ang mga pinoy, kapag nagkatinginan kayo, minsa’y iirap pa. Ang dahilan? Una, tingin nya ay gusto mo sya at nagfifeeling syang malagkit ang tingin mo sa kanya. Pangalawa, ayaw nating makipag eye-to-eye contact sa di natin kakilala at baka mahypnotize lang tayo at umuwing walang laman ang ATM pati ang bag. Pangatlo, ang tanong dyan eh, sino ka? 

Ang mga mestisong banyaga, kapag naglalakad sa mall eh standout. Kamuka nila si Brad Pitt at Angelina Jolie. May mga pribilehiyo din silang nakakainggit. Karamihan sa kanila ay may citizenship na hindi na kailangan pang pumila ng pagkahaba haba sa embassy para lang makakuha ng Visa patungo sa bansang nais puntahan. Ang isang US dolyar nila ay katumbas na ng isa sa mga sumusunod- limang stick ng Banana-Q, dalawang kilong bigas, 6 na sakay sa jeep (may sukli pa), apat na notebook ng estudyante na may litrato ng artista sa harap, o maaaring makapagpakain ng tuyo sa mahigit sampung katao. At eto pa, madalas mo silang makikita sa telebisyon na namimigay ng relief goods sa mga pinoy na biktima ng kalamidad, o kaya nama’y makikita ang litrato sa dyaryo- nakangiti at nakikipagkamay sa mataas na tao sa lipunan habang inaabot ang isang papeles na nangangahulugan ng karagdagang pautang sa Pilipinas. Benevolent assimilation sabi nga ng aking professor noong college.  

Parang ang gagaling nila. Parang naiinggit ata ako. 

 Kaya ata kapag may mga Pilipinong nangingibang bansa. Isang buwan lang ang tinagal sa Amerika halimbawa, pagbalik dito eh slang na at pilipit na ang dila sa tagalog. Western na ang porma, iba na ang dating at amoy imported na tsokolate na. Hindi ko maiwasang mamangha. Di ako nagtatakang isipin na maraming Pilipinong gustong manirahan sa ibang bansa, maging Amerikano, maging banyagang mestiso.  

Pero teka, ano ba talaga ang mahalaga? Ang itsura? Ang tingin ng tao? O ang nasasa loob ng bawat isa?  

Nagkamali ako. Masyado akong nagbase sa gwapo at magandang itsura ng mga Kano, ang mataas na tingin (literally at figuratively- literal kasi sa tangkad nila eh nakatingala ka na kapag nakikipagusap at figuratively kasi parang savior at magagaling ang dating ng iba sa kanila), at ang mga pribilehiyong sila lamang ang nakatatanggap. Buti pa ang aking sampung taong gulang na pamangkin na lumaki sa Amerika, masasabing nahalawan na din ng kulturang banyaga ngunit nananatili pa din ang pusong Pinoy. Gumawa pa nga sya ng website ng Pilipinas upang ipagmalaki ang ating bansa.(http://www.philippinepride.com) 

Nabalewala ko ang tunay na esensya ng pagiging Pilipino. Nabalewala ko ang magagandang samahan at kultura ng mga Pilipinong nagpapayaman sa bawat isa sa atin- di man sa pinansyal na aspeto ay nakapagpapataba naman ng ating puso.  

May nabasa akong artikulo dati sa dyaryo na sinulat ng isang Pinay na lumaki sa ibang bansa. Gustong gusto nyang umuuwi sa Pilipinas kasi dito, sya ay ate ni ganito, tita ni ganoon, pamangkin ni tita/tito kwan, apo ni lola/lolo, kapitbahay ni ganon, kalaro ni kwan, alaga ni aling ganito, kabarkada ni pareng ganon, kakwentuhan ni mang kwan, at iba pa. Samantalang sa bansang kanyang kinalakihan, sya lang ay simpleng si Brenda (di tunay na pangalan) na nakatira sa ganon, anak ni Ms. Blank at nagtatrabaho sa ganitong kumpanya. Mayroon kang parte sa buhay ng mga nakapaligid sa iyo. Diba’t nakakataba ng puso ang malamang di ka nagiisa dito sa mundo? Meron kang mga kapamilya, kapuso, kabarkada, kamag-anak kapitbahay atbp na nagmamalasakit sa iyo? Halimbawa na nito sa airport. Nakakamanghang makakita ng isang jeep (may nakita pa akong bus) ng mag-anak na naghahatid sa kanilang mahal sa buhay sa airport, aba yung iba eh bumiyahe pa ng ilang oras para lang makasama sa paghahatid. Sumisimbulo ng lubos na pagmamahal at pagdamay sa isang kaanak o kakilala. Tunay na tatak pinoy.

 Natutuwa din ako kapag ako’y napapadaan sa isang lugar kung saan siksikan ang isang mag-anak sa isang bahay na kung kukunin mo ang halaga (kasama na ang kagamitan) ay maaaring maging katumbas siguro ng isang bestida ng sikat na Hollywood actress. Masaya silang nagkukwentuhan at nagtatawanan habang magkakatabi sa isang pahabang upuan. Ang mga bata, tsinelas at lata lang ang nilalaro sa harap ng bahay ngunit abot-langit ang ngiti. Nakagagaan ng pakiramdam. Lata laban sa isang pinakabagong Playstation, parehas lang ang ngiti. 

At san ka naman nakakita ng mga nasalanta ng kalamidad na habang dinadaanan ng camera ay kakaway kaway pa at naghihiyawan habang nakatuntong sa bubungan ng kanilang bahay na lumubog na? Ang mga Pilipino, pasimple pang naghihingi ng yelo sa kapitbahay kapag may biglaang bisita para lang makapaghain ng malamig na tubig; abot ang pag-aalok ng pagkain at pag-aasikaso sa bisita kahit na sa wari nila’y wala ng matitira sa kanila; ang mga kalalakihan ay masugid na manligaw at handang magsibak ng kahoy mapasagot lang ang iniirog; karamihan sa mga tao, matanda man o bata, ay naniniwala sa konsepto ng Diyos; ang mga bata sa probinsya ay handang maglakad ng ilang kilometro at tumawid sa mabatong daan at mga batis para lamang makapasok sa eskwela; maabilidad ang mga pinoy sa pagiimbento ng mga bagay na gawa sa mga makikita sa paligid at kalikasan (bag na gawa sa directory paper at tetra pack, goggles na gawa sa salamin at kahoy, plantyang may uling sa loob, bisikletang nagkaroon ng upuan ng pasahero at naging pedicab, flat na kahoy na nagiging tulay kapag bumabaha, atbp); ang mga pinoy, mahilig mamiyesta, makipagkwentuhan, sumasayaw kahit walang musika, kumakanta kahit walang radyo, tumatalon, tumatawa, umiiyak ngunit bumabangon, lumalaban kung may dahilan, likas na mapagmahal, taos ang puso.  Yan ang pinoy.   

Ano ngayon kung may kaliitan ang ilong natin? Ayon nga sa aking napag-aralan, di natin kailangan ng malaking ilong sa uri ng klima sa Pilipinas. Ano ngayon kung kayumanggi ang kulay? Diba’t mas malakas nga daw ang panlaban natin sa iba’t ibang klaseng sakit sa balat sa ganitong kulay? Ano ngayon kung di katangkaran? Cute naman!J  At kung marami man sa atin ang nakatira sa daan, natutulog sa semento, nagkakalkal ng basura, kumakain ng pinaghalo-halong tira? Basehan ba ito upang maliitin ang ating lahi?  

Habang kami ay nasa isang event kanina, isang mataas na opisyal ng prestihiyosong bangko dito sa Pilipinas ang nagkwento ng kanyang karanasan sa ibang bansa. Isang bagong kakilalang Kano ang lumapit sa kanya at nagtanong, “What makes you different from our maid?” Nagpanting ang aking tenga. Tama ba itong naririnig ko? Discrimination at its best ika nga. Kung ako sana sya, simple lang ang isasagot ko. 

Nothing. 

“We may have different jobs. She may be domestically servicing a foreigner and I, on the other hand, am an executive in a Philippine Bank but there isn’t much difference. Your maid and I are both Filipinos working with dignity for the sake of our loved ones and for the sake of our country, we both came from a country that is though less progressive than other countries, is still seeking to find its homegrown treasures with the help of the warm nature of the people around and through its rich culture. The things we do for our living don’t define who we are as a person. It’s the genuine and infinite love within that count.” Bawat lahi ay may kanya-kanyang ipinagmamalaki at may kanya-kanyang mabubuting nais ipakilala sa buong mundo. Sa ganitong punto, nagkamali ako dahil tinutukan ko ang mga bagay na wala tayo at binigyan ng pansin ang mga meron ang iba. Minsan, ang mga banyaga pa ang nakakapansin kung gaano ka-espesyal ang Pilipinas para sa kanila. May mangilan-ngilang nais pang magmigrate dito dahil sa tunay at mainit na pagtanggap na kanilang nararanasan dito.Tulad nalang ni Dylan Wilk, isang milyonaryong propesyonal mula sa Englatera. Napuntahan na nya halos lahat ng sulok ng daigdig ngunit dumating ang araw na isa lang ang kanyang hinanap hanap at iyon ang Pilipinas. Masaya sya ngayong namumuhay dito kasama ang kanyang Pinay na asawa at mga anak habang naglilingkod sa sambayanan sa pamamagitan ng Gawad Kalinga.  Ngayon, proud akong sabihin na ako ay Pilipino. Di man sing tangkad ng mga artista sa Baywatch na tumatakbo sa beach suot ang pulang swimsuit, di man kasing kulay nila para magmukang laging bagong ligo, di ko man kamuka si Angelina Jolie, ano ngayon? Tatawa nalang ako at magpapakasaya sa buhay na katulad ng mga komedyante sa TV. Dinadaan sa ngiti ang mga problema at ginagawang mapagaan ang pasanin sa buhay sa tulong ng mga taong nakapaligid sa atin at sa tulong ng paniniwala sa Diyos na pinatatag ng pundasyon ng kulturang Pilipino. 

Bakit kaya ang mga magulang ko ay Pilipino? Kung ano man ang sagot, kahit na ano. Basta, buti nalang. J      


Responses

  1. hai.. it’s so mhaba ahh.. ang daldal mo tlga.. hehehe.. saya ng tour nio s tagaytay ahh.. d2 ko nlng dn icomment.. heheehe.. ingat po..

  2. I can’t help it Len…hehe…:) ako madaldal?ako madaldal?huh?huh?huh?di kaya.di kaya.di kaya. haha!

  3. hindi inarok ng utak ko… at ang haba! sosme! pero i’m proud of you sis! *wink*

  4. *wink* din =)

    ayan nilagyan ko na ng spaces para mas madaling basahin hehe..

  5. nyahaha patty dude.. may kahabaan nga yung sinulat mo.. hehe ikaw na ikaw nga yan.. nyahaha..

    pero asteeg noh? meron ba ang ibang lahi nyan? onli in da phils yan.. ahihi..

  6. onli in the pilipinas nga dude,hehehe.. (=

  7. man xmpre sasabihin ko maganda ang pinagsasabe mo….

  8. aldous dude, pwede mo din naman sabihing hindi hehehehe


Leave a response

Your response:

Categories